Desidido si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na maideklarang krimen ang paglikha at pagpapakalat ng “fake news” sa pamamagitan ng social networking sites.
Ayon kay Sotto, ang lumang batas at mahinang parusa sa ating bansa ang dahilan kung bakit hindi humihinto ang mga gumagawa ng pekeng impormasyon.
Nabatid na ang orihinal na batas ukol dito ay nalikha pa noong 1973, ngunit limitado lamang ang saklaw nito.
Sa bagong bill ni Sotto, magmumulta ng P200,000 hanggang P2 million ang matutukoy na gumawa at nagpakalat ng pekeng impormasyon.
Maliban sa naglalabas ng mga maling impormasyon sa internet, mas mabigat ang parusa sa paglikha ng mismong pinanggalingang account ng “fake news.”
Una nang lumabas sa Social Weather Station (SWS) survey noong 4th quarter ng 2017 at 1st quarter ng 2018 na 67 percent ng Filipino internet users ay nagsabing may malalang problema sa “fake news” na nakukuha sa internet.
“Filipinos have fallen prey to believing most of the click-baits, made up quotes attributed to prominent figures and digitally altered photos,” wika ni Sotto.