Mariing kinondena ni Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez ang “weaponization” ng maling impormasyon na ginagawa at ipinapalalat ng mga pekeng pro-Duterte social media accounts, na aniya’y nagpapahina sa demokrasya ng Pilipinas sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Naniniwala si Suarez na ito ay digital warfar at ang battlefield ay hindi lamang ang internet kundi ang isip at puso ng milyong mga Pilipino.
Reaksiyon ito ni Suarez sa isang ulat ng Reuters na nagsiwalat ng paggamit ng mga pekeng account sa social media para purihin si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at impluwensyahan ang usapan tungkol sa paparating na halalan.
Ayon sa research ng Israeli tech firm na Cyabra, tinatayang isa sa bawat tatlong account na nagpo-post tungkol sa pag-aresto kay Duterte ng International Criminal Court (ICC) ay peke.
Ayon pa sa ulat, halos 45% ng mga diskurso tungkol sa 2025 elections ay pinapalaganap ng mga pekeng account gaya ng bots, fake profiles, at mga bayarang influencers—at umaabot ito sa milyon-milyong netizens.
Ayon kay Suarez, lumalakas at gumagaling ang mga network ng disinformation kaya’t unti-unting natatabunan ang boses ng mga totoong tao sa internet, habang unti-unting nasisira ang tiwala ng publiko sa mga institusyong dapat ay naglilingkod sa kanila.
Nanawagan si Suarez sa mga malalaking social media platforms tulad ng Meta, X (dating Twitter), at YouTube na agad na kumilos at seryosong harapin ang problema ng mga fake account na sabay-sabay na nagpapakalat ng disinformation.
Kasabay nito, hinikayat din niya ang mas pinaigting na kampanya para sa digital literacy upang matulungan ang mga Pilipino na matukoy at labanan ang online manipulation.
Nanawagan din si Suarez sa lahat ng mga politiko na itaguyod ang malinis at tapat na halalan.
“Let’s put an end to this toxic culture before it poisons another generation of voters,” giit ni Suarez.