Lumiit na ang tyansa ng landfall o direktang pagtama sa lupa ng tropical cyclone Falcon.
Ayon kay Pagasa forecaster Meno Mendoza, tanging maliliit na isla na lang ang daraanan ng sentro ng bagyo sa extreme Northern Luzon at hindi na ang main landmass ng Luzon.
Gayunman, maaari pa rin itong magdulot ng baha at pagguho ng lupa.
Inaasahan ding lalakas pa ang naturang sama ng panahon sa loob ng susunod na 24 na oras.
Sa ngayon, nakataas ang tropical cyclone signal number one sa Northern Isabela, Cagayan at Batanes.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 690 km silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.
Kumikilos ito nang pakanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.
Sa kasalukuyan, taglay ng bagyo ang lakas ng hanging 55 kph at may pagbugsong 65 kph.
Wala naman itong direktang epekto sa hinahangad na mapunan sana ang kakapusan ng tubig sa mga dam sa Luzon dahil malayo ang bagyo sa mga ito.