Nagpahayag ng pagkabahala ang chairman ng House Quad Committee nitong Martes, Enero 21 kaugnay ng inilarawan nitong “gross miscarriage of justice” sa war on drugs campaign ng administrasyong Duterte kung saan mga “fall guys” at hindi ang mga totoong mastermind sa smuggling ng iligal na droga sa bansa ang naparusahan.
Sa kanyang opening speech sa ika-14 na pagdinig ng komite, ikinalungkot ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na mayroong mga inosente na makukulong ng hanggang 40 taon habang ang mga totoong may kasalanan ay nananatiling nakakalaya.
Kasama sa sinasabi ng mambabatas ang negosyanteng si Mark Taguba, ang bodegerong si Fidel Anoche Dee at dating Bureau of Customs employee Jimmy Guban sa kabila ng kakulangan ng ebidensya.
Ayon kay Barbers si Dee, isang guwardiya ay tumanggap umano ng shipment sa isang “controlled delivery” ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nagpahayag din ng pangamba si Barbers dahil ang dating prosecutor na si Aristotle Reyes ay na-appoint sa RTC judge kahit na fall guys lamang ang mga naparusahan sa kasong hinawakan nito.
Nanawagan si Barbers ng malalim na imbestigasyon sa kuwestyunable umanong prosekusyon ng mga nakulong.
Binigyan-diin ni Barbers ang pangangailangan na amyendahan ang mga batas upang maiwasan ang kawalang hustisya sa hinaharap.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Quad Comm, sinabi ni Barbers na isusulong ng komite na maparusahan ang mga mastermind ng drug smuggling.
Nanawagan din ang mambabatas sa Department of Justice at iba pang ahensya ng gobyerno na silipin ang mga kaso upang mapanagot ang mga tunay na may sala.
Bukod sa drug smuggling, tatalakayin din ng komite ang pagpaslang kay dating PCSO board secretary Wesley Barayuga.