(Update) BACOLOD CITY – Labis na ikinalungkot ang pinatalsik na presidente ng pinakamalaking bus company sa Pilipinas sa nangyayari sa kanilang magkakapatid dahil lamang sa multi-billion transportation business ng kanilang pamilya.
Pinulong na ni Leo Rey Yanson (LRY) ang libu-libong empleyado ng Vallacar Transit Incorporated (VTI) sa Negros Occidental kung saan ipinakita ng mga ito ang suporta kay LRY kahit pinaalis na ito ng kanyang mga kapatid.
Nabatid na isa lamang ang VTI sa mga kompaniya na bahagi ng Yanson Group of Bus Companies.
Sa kabila ng hindi pagkakaunawaan sa kanilang pamilya, umapela ang bunso sa kanyang mga kapatid na bisitahin ang kanilang ina na ngayo’y 85-anyos na.
Mula sa anim na magkakapatid, iisang ate lang ang kaalyado ni LRY kasama ang kanilang ina na si Olivia, habang may alyansa naman ang kanilang apat na magkapatid kabilang na ang bagong umupong presidente na si Roy.
Ayon kay LRY, kahit anong mangyari, ina pa rin nila si Olivia na tinanggalan din ng magkakapatid ng kapangyarihan sa board.
Giit nito, sana maaalala raw ng kanyang mga kapatid ang pag-aaruga ng kanilang ina mula noon.
Aniya, wala na siyang pakialam kung pinatalsik siya sa pwesto basta’t bumalik lang sana ang magandang pakikitungo ng isa’t isa.
Una rito sa kanyang statement mariing kinondena pa ni Leo Rey ang kapatid na si Roy Yanson na tinawag niyang “de facto president.”
“The removal was only done through a special meeting of which the election/removal of the president was not even included in the agenda,” bahagi ng naunang statement ni Leo Rey. “We condemn the act of the de facto President, Roy Yanson in bringing in armed men inside company premises, sowing unnecessary fear amongst the employees. The act of the de facto President will surely hamper the operations of the company and spread confusion among the employees.”
Ang VTI ay nagsimula noong taong 1968 bilang isang jeepney unit na may rutang Bacolod-Valladolid-La Carlota at itinayo ng ama na si Ricardo Yanson Sr.
Ang Yanson patriarch ay pumanaw noong October 2015 at ipinasa nito ang katungkulan sa kanyang bunsong anak na si LRY.
Sa ngayon, umaabot na sa 4,800 buses ang pagmamay-ari nito at 18,000 workers ang nagtatrabaho.
Kabilang sa pagmamay-ari ng mga Yanson ay ang CERES Liner, Bachelor Bus at Rural Transit na siyang may pinakamalaking operasyon sa Visayas at Mindanao.