-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Nagharap na ang pinatalsik at newly-elected president ng Yanson Group of Bus Companies sa kalagitnaan ng away ng magkakapatid.

Nitong Biyernes, kapwa pumunta sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) ang newly-elected president na si Roy at ang kanyang kapatid na si Leo Rey na pinababa sa pwesto.

Sa paghaharap nga mga ito sa NCMB sa gitna na rin ng tensyon sa kanilang kompanya, may ilang mga bagay na isinulong ang Philippine Agricultural, Commercial and Industrial Workers Union (PACIWU) sa pangunguna ni Hernani Braza upang maresolba ang away ng magkakapatid.

Kabilang dito ang pagkonsidera sa pagbibigay ng mga benepisyo ng mga empleyado kagaya ng retirement, overtime at iba pa; pagtigil sa intimidasyon sa mga empleyado na pumapanig sa magkabilang kampo at paghati ng operasyon ng kompanya sa Mindanao at Visayas.

Ngunit ayon kay Braza, kailangan pa itong pagkasundaan ng lahat na magkapatid na Yanson sa susunod na hearing sa NCMB sa Agosto 10.

Napag-alaman na wala kahapon sa meeting sina Emily, Ricardo Jr. at Ma. Celina na mga kasama ni Roy sa kanilang faction.

Samantalang kakampi naman ni Leo Rey ang kapatid niyang si Jeanette Yanson-Dumancas at kanilang matriarch na si Olivia.