-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Tiniyak ng Yanson Group of Bus Companies na magpapatuloy ang kanilang pagbibigay ng transport services sa publiko at walang magbabago sa mga patakaran.

Ito’y kasunod ng pagpapalit ng liderato ng kanilang kompaniya.

Nito lamang Hulyo 7, ang matagal nang family feud ng pamilya Yanson ay humantong sa pagpapatalsik kay Leo Rey Yanson bilang presidente ng nasabing bus company na nag-o-operate sa buong bansa.

Sa sorpresang hakbang ng board, si Leo Rey ay pinalitan ng kanyang kuya na si Roy Yanson.

Kaalyado ni Roy ang kanyang mga kapatid na sina Lourdes Celina Yanson-Lopez, Emily Yanson at Ricardo Yanson.

Habang kaalyado naman ni Leo Rey ang kanyang kapatid na si Jeannette Yanson Dumancas at ang kanyang ina na tinanggal din bilang miyembro ng Board of Directors.

Sa kabila nito, mananatili pa rin si Leo Rey bilang director at miyembro ng board ng limang kompanya.

Ang Yanson Group of Bus Companies ay kinabibilangan ng Vallacar Transit Incorporated (VTI), Bachelor Express Incorporated, Rural Transit Mindanao Incorporated, Sugbo Transit Express Incorporated, at Mindanao Star Business Transit Incorporated.

Hawak nito ang 4,800 buses at may 18,000 workers sa Pilipinas.

Sa ngayon, normal pa rin ang operasyon ng VTI sa Negros Occidental at ibang bahagi ng Pilipinas.