-- Advertisements --

BACOLOD CITY — Sinampahan ng kaso nang tinaguriang Yanson Fantastic 4 ang kanilang bunsong kapatid na presidente at Chief Executive Officer (CEO) ng Yanson Group of Bus Companies na si Leo Rey Yanson at ang Armored Guard Security Agency (AGNSA) habang nagpapatuloy ang family feud ng mga ito.

Ayon sa abogado nina Roy, Emily, Celina at Ricardo Jr. na si Atty. Raul Bito-on, kasong grave coercion ang isinampa ng kanilang kampo laban sa AGNSA personnel na sina Florencio Dobrea na AGNSA general manager, Raymond Santillan, Reynaldo Llena Jr., Harel Pelayo at Jerold Datiles dahil sa pagsuporta ng mga ito sa “illegal orders” ni LRY.

Sa isinumiteng affidavit nina Vallacar chief financial officer Celina Yanson-Lopez at board corporate secretary Emily Yanson sa Bacolod City Prosecutor’s Office, isinaad nila na lumabag ang security agency sa batas dahil nanghimasok ang mga ito sa away ng kanilang pamilya.

Dagdag pa ng dalawang babaeng Yanson na hindi dapat sila pinigilan ng AGNSA na makapasok sa main office ng Vallacar Transit Inc. sa Barangay Mansilingan, Bacolod City noong nakaraang Agosto 13.

Nagsampa rin ang mga ito ng writ of mandamus sa Regional Trial Court sa Bacolod upang mapilitan sina LRY at ang AGNSA na papasukin ang Yanson 4 sa main office ng VTI.

Isa pang kaso para sa injunction ang inihain sa korte kahapon laban kay Leo Rey upang pigilan ito na magpatawag at magsagawa ng Special Board Meeting sa Agosto 19.

Ayon sa Yanson 4, wala ng karapatan si LRY na maglabas ng utos at direktiba dahil wala na itong posisyon sa executive management team.

Kung maaalala iginigiit ng apat na magkakapatid na nagtapos na ang termino ni Leo Rey bilang presidente ng VTI noon pang Hulyo 7 ngunit tumanggi naman itong bumaba sa pwesto dahil illegal aniya ang ginawang special board meeting ng kaniyang mga kapatid.

Posible rin na masampahan ng kaso ang ibang empleyado ng VTI na sumusunod sa utos daw ni LRY ayon sa apat.

Samantala, sumulat naman ang ina nilang si Olivia Yanson sa anak nitong si Emily na lisanin na ang Ceres North Terminal dahil sa kabiguan nitong makabayad ng renta para sa Ceres Mart na pagmamay-ari nito simula ng nagbukas ito noong Hulyo 2015.

Ngunit ayon naman kay Emily, ang lugar kung saan nakatayo ang Ceres Mart ay pagmamay-ari ng VTI na kung saan hindi stockholder ang kanyang ina.

Dagdag pa nito, napagkasunduan sa family meeting na pwedeng gamitin ang lugar nang libre.