-- Advertisements --

Nananatiling pagkakaibigan lamang ang relasyon nina Arci Munoz at JM (Juan Miguel) de Guzman.

Ito’y taliwas sa inakala ng marami na nag-level up na ang pagiging mag-best friend ng dalawa mula pa noong kolehiyo.

Sa video blog na “Boracay Revelation” ngayong Easter Monday, nabunyag na ang hawak na bouquet of flowers ni de Guzman ay hindi galing sa kanya at hindi rin para kay Arci.

Sa teaser o patikim kasi ng kapwa 32-year-old celebrities, tila naghayag na ng kanyang damdamin si JM, pero ang moment pala ay para sa kapatid ni Arci na inalok na ng kasal ng kasintahan.

Dahil dito, ang pagbuhos ng pagbati mula sa mga ordinaryong fans at mga kaibigan sa showbiz ay napalitan agad ng pagbaha ng mensahe ng pagkadisyama lalo’t nakalipas na raw ang April Fools’ Day.

Una rito, nakasaad sa caption ni Muñoz na masaya raw siya dahil buong pamilya niya ay naging saksi sa pagmamahalan nila ni de Guzman.

Nabatid na aminado ang singer/actress na kadalasan siyang sawi sa pag-ibig kung saan lagi siyang iniiwan kahit ibinibigay naman ang lahat o sa puntong nakakalimutan na niya ang sarili.

Ang huling naging boyfriend niya ay sa isang Chinese businessman na tumagal ng dalawang taon.

Nakarelasyon din nito ng tatlong taon si Badi del Rosario, isang rock-band singer at anak ng Brunei Prince na si Jefri Bolkiah.

Ang huling girlfriend naman ni JM ay si Jessy Mendiola na ngayon ay isang buwan nang kasal sa TV host na si Luis Manzano.

Sa ngayon ay target ni Arci na ituloy ang pangarap na maging piloto kasunod ng promotion mula sa basic military training kung saan isa na siyang reserve sergeant.