Palaisipan sa mga netizen ang kapansing-pansin na pag-alis ni Kris Aquino sa kanyang social media posts patungkol sa kanila ng fiance na si dating DILG (Department of the Interior and Local Government) Secretary Mel Sarmiento.
Kabilang sa mga nawawalang posts sa kanyang Instagram page ay ‘yaong ianunsyo ng dating presidential sister ang pagiging engaged kay Sarmiento, gayundin ang larawan na kuha ng kanilang date sa sikat na fast food chain.
Gayunman, nasa page pa rin ng kinikilala noon bilang “Queen of All Media” ang November 8 video clip kung saan makikita ang dambuhalang boquet ng bulaklak at kasama nito si Sarmiento.
Nitong nagdaang Pasko ang huling post ni Kris kung saan binanggit nito ang fiance sa gitna ng pagbuwelta sa mga kritiko nito na nagsasabing pinupolitika niya ang relief drive para sa mga biktima ng Bagyong Odette.
Agosto noong nakaraang taon nang unang beses nilang isapubliko ang romantic relationship at kamakailan lang din nang almahan ni Sarmiento ang tila pag-ungkat ni Herbert Bautista sa “nakaraan” nila ng TV host/actress.
Si Sarmiento ang pangatlo at huling kalihim ng DILG sa ilalim ng pamumuno kapatid ni Kris na si dating Pangulong “Noynoy” Aquino.
June 24 noong nakaraang taon nang pumanaw si Noynoy sa edad na 61 dahil sa renal disease secondary to diabetes.