-- Advertisements --

Inaabangan na ng mga fans ang huling hirit na maglalaro sa publiko ang Swiss tennis superstar na si Roger Federer sa pagsisimula bukas ng Laver Cup 2022 sa London para sa kanyang farewell match.

Una rito, inanunsyo ng 20-time Grand Slam Winner ang kanyang magiging huling laro para sa koponan ng Europe ay hindi sa singles kundi sa doubles kung saan ang kanyang makakasama ang isa pang tennis legend na si Rafael Nadal ng Spain.

Hiling ni Federer na ang i-partner sa kanya ay si Nadal na kung saan ay maraming beses na silang nagharap at tinaguriang “most iconic matches in history” ang kanilang rivalry.

Dagdag pa ni Federer, mas magiging malakas daw silang dalawa para kumatawan sa Europe dahil pareho silang may kakaibang istilo sa paglalaro sa larangan ng tennis.

Kung maalala kamakailan lamang ang 41-anyos na si Federer, na matagal ding naging world’s number 1, ay nag-anunsiyo rin na tuluyan na siyang magreretiro.