-- Advertisements --

Binatikos ng Federation of Free Farmers (FFF) ang plano ng National Food Authority (NFA) na pagbebenta ng lumang stock ng bigas sa mga lokal na pamahalaan.

Ayon kay FFF national manager Raul Montemayor, iligal ang plano ng NFA at ito ay hayagang paglabag sa nilalaman ng Republic Act (RA) 12708, o Agricultural Tariffication Act. Ang naturang batas ay ang bagong pirma na naga-amyenda sa RA 11203 o Rice Tariffication Law.

Kailangan muna aniya na magkaroon ng deklarasyon ng food emergency upang magsilbing legal na batayan sa pagbebenta ng lumang suplay ng bigas sa mas mababang presyo.

Maaari aniyang maideklara ito kung magkaroon ng shortage o kakulangan ng bigas, at kung mayroong ‘extraordinary’ o labis na pagtaas ng presyo ng bigas.

Ang lahat ng ito ay ibabatay sa panuntunang bubuuin ng National Price Coordinating Council (NPCC).

Sa ngayon, maituturing aniyang iligal ang hakbang ng NFA dahil hindi pa nagdedeklara ang DA ng food security emergency.

Sa halip na gamitin ang mga lumang stock ng bigas para mapababa ang presyo ng bigas, inirekomenda ni Montemayor na habulin na lamang ng DA ang mga importer, wholesaler, at mga retailer na umaabuso sa kalakalan ng bigas.