Inihahanda na ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang reklamong ihahain sa Ombudsman laban sa ilang mga opisyal ng tariff Commission kasunod ng naunang pag-apruba sa Executive Order No. 62 na nag-aatas sa pagpapababa sa taripa ng mga imported na bigas.
Ayon kay SINAG Chairman Rosendo So, isinasapinal na ng grupo ang isasampamg grave misconduct o violation of the code of conduct and ethical standards, na isang administrative case.
Maliban sa administrative case, pinag-aaralan din aniya ng grupo ang paghahain ng criminal case na graft and corruption laban sa mga opisyal dahil na rin sa umano’y kabiguan ng mga ito na sundin o gawin ang kanilang duty sa ilalim ng batas.
Isa sa mga idinadahilan ng grupo ay ang kabiguan na magsagawa ng akmang konsultasyon at hearing bago pa man inaprubahan ang EO-62.
Ang konsultasyon ay mahalagang bahagi ng proseso para sa tariff reduction o tariff modification, bago pa man maglabas ng isang EO na may kaugnayan sa taripa.
Giit ni SINAG legal counsel Virgie Suarez, hindi nasunod ang due process para sa nasabing hakbang.
Ang grupong SINAG ay isa sa mga farmer groups na unang naghain ng petisyon sa Korte Suprema na humihiling ng Temporary Restraining Order (TRO) para harangin ang tuluyang implementasyon ng EO-62.