Kasabay ng inaasahang pagpapalabas sa bakuna kontra African swine fever(ASF) ngayong buwan para sa mass trial, umapela si Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. president Danilo Fausto na ilibre ang distribusyon ng mga naturang bakuna sa mga backyard hog raiser.
Ito ay kung matapos na ang commercial trial at tuluyang payagan o buksan na sa commercial distribution.
Ayon kay Fausto, ang commercial availability ng bakuna ay tiyak na tuluyang magtatanggal sa ASF.
Nasa 60 porsyento ng pork supply sa Pilipinas ay nanggagaling sa mga backyard hog raisers.
Inirekomenda rin ni Fausto na balikatin na lamang muna ng mga commercial pork producer ang bayad ng ASF vaccine na maaaring ibigay ng libre sa mga backyard raiser.
Maaalalang una nang kinumpirma ni DA Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. ang posibilidad ng paglalabas ng bakuna kontra ASF sa lalong madaling panahon kasabay na rin ng koordinasyon ng DA sa Food and Drugs Adminisration(FDA).
Hanggang nitong unang linggo ng Hunyo 2024, umaabot pa rin sa 58 na probinsya sa buong Pilipinas ang nasa ilalim ng ‘red zone, o apektado ng naturang virus.