BUTUAN CITY – Nahuli ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar ang isang farmer-leader na wanted dahil sa kasong kidnapping at serious illegal detention kaninang alas-12:40 ng Sabado ng hapon.
Nadakip ng pinagsanib na operatiba ng PNP-Regional Intelligence Unit 13, Agusan del Norte Provincial Intelligence Branch, Butuan City Mobile Force Company at Butuan City Police Station 4 kasama ang AFP operatives ng 42nd Military Intelligence Company si Proceso Torralba, presidente ng Unyon ng Mag-Uuma sa Agusan del Norte (UMAN), na isa umanong rebelde sa ilalim ng “White Area Committee” sa Purok 3, Brgy. Bobon, lungsod ng Butuan.
Ito’y base na rin sa pinaigting na manhunt operation bitbit ang warrant of arrest na ipinalabas ni acting presiding judge Fernando Fudalan Jr ng 10th Judicial Region, Regional Trial Court Branch 7, Bayugan City, Agusan del Sur.
Ayon kay PBGen. Joselito Esquivel, Jr, regional director ng PRO-13, kasama umano si Torralba ng mga New People’s Army na nanalakay sa patrol base ng 8th Special Force Company sa Purok 1, Barangay New Tubigon, Sibagat, Agusan del Sur pasado alas-3:00 ng madaling araw noong Disyembre 19, 2018.
Kanilang nahakot sa nasabing pangyayari ang iba’t ibang uri ng armas sabay dukot sa dalawang mga AFP cadremen.
Pinuri naman ni Esquivel ang lahat ng mga elementong kasama sa matagumpay na operasyon na bunga umano sa magandang relasyon sa pagitan ng pulisya, militar, at sa aktibong suporta ng komunidad.
Tinatawagan din nito ang mga nananatili pa sa armadong pakikibaka na sumuko na sa gobyerno upang makaka-avail sa mga benepisyo mula sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).