CAUAYAN CITY – Ipinaliwanag ng national manager ng Federation of Free Farmers (FFF) ang inilabas nilang pag-aaral kaugnay sa presyo ng bigas ngayon sa merkado.
Una rito naglabas kamakailan ng pag-aaral ang FFF at tinawag na “misleading” ang ulat ng Department of Agriculture (DA) at Department of Finance (DOF) na bumaba ang presyo ng bigas sa bansa dahil sa rice tarrification law (RTL).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Raul Montemayor, national manager ng Federation of Free Farmers, sinabi niya na hindi natupad ang unang sinabi na layunin ng RTL na mapababa ang presyo ng bawat kilo ng bigas dahil sa maraming suplay nito sa pamamagitan ng pag-i-import sa ibang bansa.
Aniya, batay sa ginawa nilang pagsusuri gamit ang data ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay napag-alaman nilang nalugi ang mga magsasaka habang hindi naman nakinabang ang mga konsyumer at ang kumita lamang ay ang mga traders at negosyante ng bigas.
Ayon kay Montemayor, bago tuluyang ipinatupad ang RTL ay dati nang mababa ang presyo ng bigas.
Panawagan niya ngayon na kailangang reviewhin ang nasabing batas dahil masyado ng kawawa ang mga magsasaka.
Ang Federation of Free Farmers ay samahan ng mga maliliit na magsasaka sa buong bansa.