-- Advertisements --

Nilinaw ni Maj. Gen. Rhoderick Parayno, commander ng 2nd Infantry Division, Philippine Army na hindi lahat ng nasa listahan ng mga iniuugnay na party-list group sa teroristang New Peoples Army (NPA) ay tunay na konektado rito.

Kasunod ito ng pagkakalathala sa social media at ilang dyaryo ukol sa umano’y 23 partylist organizations na mino-monitor ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil sa koneksyon sa mga rebelde.

Ayon kay Parayno, napansin nilang napabilang sa listahan ang Magsasaka party-list na hindi naman nakikisali sa aktibidad ng mga makakaliwang grupo.

Giit pa ng opisyal, maraming pagkakataon na nakatuwang ng Second Infantry Division, Philippine Army ang Magsasaka party-list para bigyan ng livelihood ang ilang mahihirap na mamamayan.

Halimbawa aniya rito ang ilang komunidad sa Batangas na inalalayan hanggang makabangon, matapos ang mga panggugulo doon ng mga NPA.

“Kami ang kumilos para sa seguridad ng mga residente at yung grupo nila Dexter Villamin (Magsasaka) naman ang nagbigay ng livelihood program dun sa mga dating ginugulo ng mga NPA,” wika ni Parayno.

Paniwala ng heneral, maaaring napasama lang ang Magsasaka party-list sa listahan ng mga iniuugnay sa rebeldeng grupo dahil bukang bibig ng mga militante ang magsasaka, mahihirap at iba pa sa tuwing mga idinaraos na programa.