Iniulat ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura(SINAG) ang tuluyang pagbaba ng farmgate price ng baboy dahil sa African swine fever (ASF) scare.
Ayon kay Sinag Executive Director Jayson Cainglet, bumaba na ng P30 hanggang P40 per kilo ang farm gate price sa linggong ito.
Dahil dito ay umaabot na lamang umano sa P160 hanggang P180 ang kada kilo ng baboy mula sa dating P240 kada kilo nitong nakalipas na linggo.
Isa sa mga itinuturong dahilan dito ay ang pagbaba ng demand para sa karne ng baboy kung saan marami umano sa mga pork consumer ang lumipat na rin sa poultry products dahil sa pangamba sa epekto ng ASF.
Umaasa naman ang grupo na kasabay ng pagbaba ng farmgate price o batayang presyo sa mga buhay na baboy, ay bababa rin ang presyo ng karne ng baboy na ibinebenta sa mga merkado.
Ayon kay Cainglet, nananatiling mataas ang supply ng karne ng baboy sa kabila ng paglobo ng ASF cases sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.