-- Advertisements --

Bumagsak na sa P8/kilo ang farmgate price ng kamatis, habang nasa kalagitnaan ang harvest season, batay sa monitoring ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG).

Ito ay isang buwan lamang mula noong umabot sa P350 ang kada kilong retail price nito.

Ayon kay SINAG executive director Jayson Cainglet, lugi na ang mga magsasaka dahil sa naturang presyo habang marami sa kanila ang mas pinipili nang hindi mag-ani.

Katwiran ni Cainglet, mas mataas ang magagastos kapag nag-ani kumpara sa kikitain kung ibebenta ang mga ito.

Bagamat walang reklamo aniya mula sa mga konsyumer kapag mababa ang presyo ng kamatis sa mga merkado, labis naman ang pagkalugi ng mga magsasaka na silang pangunahing naaapektuhan ng mababang farmgate price.

Batay sa monitoring ng Department of Agriculture (DA) sa mga merkado sa Metro Manila, ang retail price ng kamatis ay naglalaro lamang mula P35 hanggang P70 kada kilo.

Ayon sa SINAG, kailangan nang tugunan ng pamahalaan ang mababang farmgate price at gumawa ng akmang hakbang upang hindi tuluy-tuloy ang pagkalugi ng mga nagtatanim ng kamatis