Inanunsiyo ni Manila City Mayor Honey Lacuna-Pangan na magkakaroon ng ikalawang edisyon ng ‘Rampa Manila’ sa darating na Hunyo 19 ng kasalukuyang taon.
Ayon sa alkalde, napakarami raw na magagandang likha ang nakita nila sa mga local fashion designer kaya kampante raw siya na ngayong taon ay makakakita pa sila ng mga likha ng local designers.
Ilan sa mga ibibida sa gaganaping fashion show ay mula sa mga Filipino fashion designer tulad nina Anthony Ramirez, Neric Beltran at Val Taguba.
Ang tema ng Rampa Manila ngayong taon ay “Textile, Texture, and Technique.”
Gaganapin ito sa Bulwagang Antonio Villegas sa Manila City Hall kasabay ng pagdiriwang ng founding anniversary ng lungsod.
Ipinagmalaki rin ng Mayora na maraming batikan at magagaling na mananahi sa lungsod at marami pa umanong umuusbong na talento.
Ibinahagi rin ni Lacuna na ang kanilang ultimate goal ay pataasin ang antas ng industriya ng fashion hindi lang sa Maynila kundi sa buong Pilipinas.
Layon din daw nilang makapagbigay ng inspirasyon sa mga batang nagnanais na pumasok sa industriya ng fashion.