Fastcraft at cargo vessel nagsalpukan sa Mactan Channel, 185 na mga pasahero ang apektado
Unread post by bombocebu » Mon May 22, 2023 5:57 am
CEBU – Nagsalpukan ang Supercat fastcraft St. Jhudiel at isang cargo vessel sa Mactan Channel, alas 3:16 ng hapon kahapon.
Sakay ng nasabing fastcraft ang 185 na mga pasahero at galing ito ng Ormoc City at itinakda sanang dumaong sa Pier 1 ng Cebu City alas 3:30 ng hapon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Atty. Erwin Nuñez, isa sa mga pasahero, sinabi nitong biglaan at napakabilis ng pangyayari.
Aniya, nang dahil sa malakas na pagsalpok ay tumilapon ito mula sa kanyang kinauupuan at dahil dito ay nagtamo ito ng injury sa kanyang siko, tuhod at tagiliran, kaya isa ito sa mga dinala sa pribadong ospital.
Inihayag ni Atty. Nuñez na nakausap nito ang nagpakilala lang na chief mate at sinabi nito na sila ang bumangga sa cargo vessel dahil sa diumano’y nag-malfunction ang steering wheel ng fastcraft.
Dagdag pa nito, marami-rami silang mga pasahero na dinala sa ospital, gayunpaman, hindi rin nagtagal ay nailabas na rin ang mga ito sa bahay-pagamutan.
Sa ngayon ay patuloy ang isinagawang imbestigasyon ng Philippine Coast Guard District Central Visayas sa nangyaring insidente.