Tinanghal na pinakamabilis na babaeng manlalaro sa Southeast Asia ang Filipina-American na si Kayla Richardson matapos masungkit ang gold medal sa 100-meter dash sa nagpapatuloy na 31st Southeast Asian Games na ginanap sa My Dinh National Stadium sa Vietnam.
Ang sprint queen ay nagtala ng 11.60 seconds sa finals event para pakainin ng alikabok ang mga karibal mula sa Singapore (11.62) na pumwesto sa second place at ang pambato ng Thailand (11.66) na nagtapos sa ikatlo.
Bago pa man ang final event nasa ika-limang puwesto lamang si Richardson sa 12 mga runners sa preliminary heats.
Sinasabing inabot din ng pitong taon si Kayla bago muling nabawi ang titulo.
Huling siyang nagreyna sa event ay noon pang taong 2015 sa Singapore SEA Games.
Una nang nagtapos si Richardson, 26, sa bronze medal sa isa pang event sa Hanoi sa women’s 200-meters.