-- Advertisements --

CEBU – Hindi sinang-ayunan ni dating Senator Aquilino “Nene” Pimentel ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang 2019 State of the Nation Address (SONA) hinggil sa pagpapaliban ng Barangay Elections sa 2022.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa tinaguriang “Father of the Local Government Code,” sinabi nitong kung may gusto mang baguhin sa sistema ng barangay ay maaari naman itong gawin pagkatapos ng halalan.

Ayon pa sa dating senador, kung ipagpaliban ang barangay election ay nangangahulugan na mananatili ang may mga “personal loyalty” na kanyang ikinababahala.

Posible aniya na wala na sa tao ang loyalty ng mga barangay officials, kundi nasa sa isang tao na lamang.

Gayunman, kontento ang dating senador sa SONA ni President Duterte kahapon at sinabing may tatlong taon pa ito upang gawin ang kanyang mga plano para sa ikauunlad ng bansa at ng mga mamamayang Pilipino.