-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Ibinunyag ni 23rd Infantry Battalion, Philippine Army commander L/Col. Julius Caesar Paulo, na nai-turnover na sa Municipal Police Station sa Nasipit, Agusan del Norte, ang kanyang tauhan na nauugnay sa pagpatay sa mag-ama nitong Father’s Day celebration sa District 2, Barangay Ata-Atahon ng nasabing bayan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Col. Paulo na sumuko sa kanya pagkalipas ng isang oras ang suspek na si PFC Dante Aquino, 34-anyos.

Ngunit dahil may sugat sa kanang kamay kung kaya pinagamot muna niya ito sa Agusan del Norte Provincial Hospital at kinaumagahan na nai-turnover sa Nasipit Municipal Police Station upang simulan ang imbestigasyon at masampahan na ito ng kaukulang kaso.

Hindi naman kinumpirma o kaya’y pinabulaanan ng opisyal ang pahayag ng mga nakakakita sa insidente na may kasamahan si Aquino na siyang bumaril sa nagngangalang si Bernard Yonson, 36-anyos.

Si Yonson ay nakipagbuno sa sundalo at parehong natumba noong nakitang pinagbabaril nito ang kanyang amang si Marcos.

Napag-alamang base sa inisyal na report ng Nasipit Municipal Police Station, lumabas na nagtambay umano sa waiting shed malapit sa kanilang bahay sina Bernard at kapatid nitong si Jay kasama ang isang Jerome Librado nang lumapit sa kanila ang lalaki at nagtanong daw sa pangalan ng naturang lugar.

Hindi naman sumagot si Jerome sa dahilang dayo lang din siya sa lugar, bagay na pinaniniwalaang ikinagalit ng lalaki na sa kalauna’y nakilalang si Dante Amelier Aquino.

Sinaasabing lumayo na ang suspek at pinuntahan ang kasamahang nasa motorsiklo habang ang ama naman ng magkapatid na si Marcos ay sumabay sa kanila nang biglang bumalik si Aquino, at dito na pinagbabaril si Marcos na makailang beses.

Nang makita ito ng anak na si Bernard sy nakipagbuno ito sa suspek at nang pareho silang matumba ay dito naman lumapit ang kasamahan ng suspek sabay baril kay Bernard ng ilang beses kaya ‘di na ito umabot pa ng buhay sa ospital.

Dagdag pa ni Col. Paulo, kailangang kaharapin ng kanyang tauhan ang consequences ng kanyang ginawa lalo’t nakataya rito ang imahe ng kanilang batalyon at hindi rin kukonsintihin ang ganitong gawain.