Muling isinagawa ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ngayong araw kaugnay sa umano’y overpriced ng laptop ng binili ng Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM).
Nagsimula ang pagdinig na pinangunahan ni Committee chairman Francis Tolentino kaninang alas 10 ng umaga at natapos ng alas 2 na ng hapon.
Sa nasabing pagdinig, ilang mga dokumento ng transaksyon ang tinalakay kung saan makikita ang mga responsableng opisyal.
Naungkat din ni Sen. Jinggoy Estrada ang umano’y isa sa mga “favored” suppliers ng DepEd na nakakorner ng halos P6 billion mga kontrata para sa information and communications technology (ICT) requirements ng ahensya.
Sinabi ni Estrada, ang Advance Solutions Inc. (ASI) ay ilang beses nakakuha ng DepEd contracts simula pa noong 2015.
Ayon kay Estrada, dapat may “red flags” na ang nasabing mga kontrata sa ASI at dapat inimbestigahan na ng Commission on Audit (COA) pero walang nangyaring imbestigasyon.
“The consistency of ASI being awarded the contracts does not raise suspicion? Sa dami ng in-award sa ASI bakit mukhang may favoritism kayo diyan,” ani Estrada.
Inihayag naman ni Tolentino na itatakda pa nila ang huling pagdinig dahil abala na sila sa mga budget hearings at naka-break pa ang Senado hanggang Nobyembre 6.