Ibinunyag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na na-hack ang facebook page ng kanilang tanggapan sa Nationa Capital Region (NCR).
Ayon kay DSWD officer-in-charge Edu Punay na nangyari ang insidente ng hacking matapos na kumalat ang “fake news” kaugnay sa pamamahagi ng ayuda dahilan ng pagdagsa ng mga tao sa kanilang tanggapan sa Maynila kahapon.
Kasalukuyang sinusubukan pa rin ng ahensiya na marekober ang access sa kanilang social media page at nagpatulong na rin sa National Bureau of Investigation.
Ayon kay Punay, base sa kanilang inisyal na imbestigasyon, may kumalat na text message sa Quezon city na mayroong payout sa tanggapan ng DSWD-NCR. Liban pa dito, nadiskubre din ang pekeng FB accounts na nagpost kaugnay sa payout kaya dumagsa ang mga tao gaya ng nangyari noong nakalipas na taon sa pamamahagi ng educational assistance para sa mahihirap na estudyante.
Samantala, sinabi naman ng DSWD official na kanilang binigyan na ng forms ang mga dumagsa sa kanilang tanggapan bilang quick response.
Hinihikayat din ang publiko na tanging sa mga lehitimong information sources lamang gaya ng verified FB page ng DSWD at sa official news outlets magtanong o dumulog kaugnay sa mga concern may kinalaman sa kanilang mga programa para hindi na maulit ang naturang insidente.