Isinasailalim na ngayon sa forensic examination ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Amerika ang nakuhang DNA sample nina Isnilon Hapilon at Omar Maute.
Sa pakikipag ugnayan ng Bombo Radyo kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, kaniyang kinumpirma na mismo ang FBI ang nagtungo sa Marawi para makakuha ng DNA sample mula sa napatay na mga terrorists leaders.
“Nagpunta ang FBI para kumuha ng sample sa mga bangkay bago sila (Isnilon Hapilon, Omar Maute) inilibing,” mensahe na ipinadala ni Lorenzana sa Bombo Radyo.
Wala namang time frame na ibinigay ang FBI kung kailan nila ilalabas ang resulta ng DNA test.
Una nang sinabi ni AFP Public Affairs Office (PAO) chief Col. Edgard Arevalo na bago pa nailibing ang bangkay nina Hapilon at Omar ay nakuhanan na ang mga ito ng DNA sample.
Makakatulong ang resulta ng DNA sample sa pagkumpirma kung bangkay nga ito nina Hapilon at Omar.
Ito din ang magbibigay daan para maibigay ang reward money sa mga informants na nagbigay ng impormasyon para matukoy ng militar ang pinagtataguang lugar ng dalawang teroristang lider na nagresulta sa kanilang kamatayan.
Si Isnilon Hapilon ay mayroong $5-milyon reward mula sa FBI, P7.4-milyon sa Phillippine government at P10-milyon naman mula kay Pang. Rodrigo Duterte.
Habang si Omar Maute ay may reward din na P5-milyon mula sa Pangulo.
Tiniyak na rin noon ni AFP chief of staff Gen. Eduardo Año na mapupunta sa civilian informants ang mga reward at hindi sa mga sundalo.