Patuloy pa ring mino-monitor ng Food and Drug Administration (FDA) ang epekto sa tao ng inaprubahan nitong traditional Chinese medicine na Linhua Qingwen.
Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) matapos matukoy na may component o sangkap na “ephedrine,” na isang uri ng ipinagbabawal na gamot.
“Continuous ang post-marketing surveillance ng FDA. Tinitingnan kung mayroong nagka-adverse reactions o di kaya ay nagva-violate sa mga conditions para makabil,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Nilinaw ng opisyal na dumaan sa regulatory process ang nasabing gamot, na inaprubahan sa China bilang treatment drug sa COVID-19.
Agad daw naglabas ng resolusyon ang Dangerous Drugs Board matapos ipabatid sa kanilan ng FDA ang nadiskubreng ephedra component ng Linhua Qingwen.
“The DDB issued a resolution that they do not have any objection to this registration of FDA, as long as the proper license will be secured and complied by the importer with the Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).”
“So may additional layer na ginawa itong manufacturers because of this specific component na nakasama sa gamot na ito.”
Ipinaalala ni Usec. Vergeire na dapat may reseta mula sa lisensyadong doktor ang pagbili ng naturang gamot dahil ni-rehistro ito bilang prescription drug. Maaari lang din daw itong mabili sa mga botikang rehistrado ng FDA at PDEA.
“Maraming nagkalat ngayon sa online about this (Linhua) and I advise the public to just buy in authorized drugstores, and have physicians prescribe it for you.”