Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko laban sa pagbili ng mga gamot sa medical doctors na hindi awtorisado ang clinic at health facilities.
Ayon sa ahensiya, naglabas ng administrative order ang Department of Health na nag-uutos sa mga establisyemento na nagbebenta ng gamot na magkaroon muna ng License to Operate o awtorisasyon mula sa FDA bago magsagawa ng pagbebenta ng gamot.
Nakatanggap daw kasi ang kanilang ahensiya na mayroong mga doktor ang nagbebenta ng gamot nang walang awtorisasyon mula sa FDA, walang gabay ng isang pharmacist, at hindi nagbibigay ng resibo.
Ang gawaing daw ito ay isang paglabag sa mga kasalukuyang regulasyon.
Dahil dito, nanawagan ang FDA na agad nang itigil ang pagbebenta ng gamot kung hindi pa ito nakakakuha ng mga kinakailangang dokumento.
Nilinaw din nito na hindi dapat ibenta ng mga lisensiyadong drug manufacturers at distributors ang kanilang produkto sa mga unlicensed na retail outlets.