Pumasa na sa unang level ng approval para makapagsagawa ng clinical trials sa Pilipinas ang COVID-19 vaccine na gawa ng Chinese pharmaceutical company na Sinovac Biotech, ayon sa Food and Drug Administration (FDA).
Sinabi ni FDA director general Eric Domingo na binigyang clearance na ng Vaccine Expert Panel (VEP) ng Department of Science and Technology (DOST) ang bakuna dinevelop ng nasabing kompanya.
Isa ang Sinovac Biotech sa tatlong vaccine developers (Janssen Pharmaceutica at Gamaleya Research Institute) na nagpasa na ng aplikasyon para makapagsagawa ng clinical trials sa bansa.
“Meron na kaming hinihintay na mag-submit, kasi in-endorse na sa amin ng VEP. Iyong sa Sinovac,” ani Domingo.
Bago makapagsagawa ng trials ang isang COVID-19 vaccine sa estado, kailangang pumasa ito sa approval ng VEP at Ethics Board.
Sa ilalim kasi ng VEP inaalam ang resulta ng Phase 1 at Phase 2 trials ng isang bakuna. Pag-aaralan naman ng Ethics Board ang pangakong safeguards ng manufacturer sa mga paggagamitang volunteer.
“Iyong Ethics Board, it is still in progress. Ang sabi nila (Sinovac), they will be meeting the Ethics Board this week. Aantayin ang result noon kasi hindi puwedeng maka-start ang any study without Ethics Board approval.”
Paliwanag ni Domingo, 14-araw ang itinatakbo ng proseso sa evaluation ng isang aplikasyon kapag nakaabot ito sa FDA.
Nakadepende raw kung lulusot sa antas ng FDA ang aplikasyon ng Sinovac ang posibilidad na mapaaga ang pagsisimula ng clinical trial nito sa Pilipinas.
Ayon sa opisyal, hindi naman makakaapekto ang trials ng isang bakuna kung mapipili ito sa Solidarity Trial ng World Health Organization. Kailangan lang masiguro na hindi magsasabay ang trial ng parehong bakuna sa isang zone o trial site.
Sa ngayon kasi ay wala pang inaanunsyo ang WHO na listahan ng mga bakuna na kasali sa hiwalay din nilang inisyatibo na Phase 3 clinical trials.