Inirekomenda na ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang pagsasampa ng kaso sa Office of the Ombudsman laban sa Food and Drug Administration-Center for Drug Regulation and Research (FDA-CDRR) director.
Ito ay may kaugnayan sa inupuan lamang daw ang napakaraming mga nakabinbin na sana ay mga automatic renewal (AR) drug applications.
Sa isang statement, iniulat ng ARTA na inirekomenda nila ang umaabot sa 412 counts ng kaso laban kay FDA-CDRR Director Jesusa Cirunay dahil daw sa kabiguan nito o failure to “render government services within the prescribed processing time under Section 21 (e).
Ang batas ay nakapaloob sa Republic Act No. 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.”.
Binigyang diin ng naturang red tape watchdog na ARTA na nakakita sila ng “prima facie case” matapos umamin daw si Cirunay sa pagka-delay ng pagproseso ng mga aplikasyon sa kanyang tanggapan.
Ang paghahain ng kaso ng tanggapan ng ARTA matapos mapasakamay nila ang nasa 23 mga affidavits mula sa ilang pharmaceutical companies na nagrereklamo dahil sa umano’y pagka-delay ng kanilang aplikasyon na noon pang taong 2014 nila isinumite sa FDA.