-- Advertisements --

MANILA – Iniimbestigahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang ulat tungkol sa pagpapa-turok ni special envoy to China Ramon Tulfo ng coronavirus vaccine ng Sinopharm.

“We will refer this report to our regulatory enforcement unit para imbestigahan,” ani FDA director general Eric Domingo.

“Hindi maganda na nalalaman natin na may ganitong nagpapabakuna nang hindi dumaan sa proseso.”

Sa kanyang column sa pahayagang The Manila Times, inamin ni Tulfo na nagpaturok siya ng Chinese-made vaccine kasama ang iba pang opisyal ng pamahalaan.

Kinumpirma rin niya ang pagpapa-bakuna ng Presidential Security Group.

“I now confess to the public: I had myself vaccinated – along with some government officials whose names I won’t mention here – with Sinopharm vaccine last October.”

Dagdag pa ni Tulfo, ang pagpapabakuna niya ay kasunod ng kanyang aplikasyon para maging local distributor ng naturang Chinese vaccine.

Pero ayon kay Domingo, wala pang kahit anong aplikasyon ang Sinopharm sa Pilipinas.

“Yung Chinese government alam ko sumulat kay Sec. Galvez informing him na wala silang local distributor dito.”

Nilinaw ng FDA chief na hindi nila hinaharang ang aplikasyon ng kahit anong vaccine manufacturer.

Ayon sa Department of Health, maaaring managot sa batas ang sino mang mapapatunayang nagpuslit, namahagi at nagbenta ng mga hindi pa rehistradong medical products tulad ng bakuna.

“All of these things, kapag hindi natin nakita na ayon sa mga batas na mayroon tayo dito sa bansa, will be considered illegal,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

“Magkakaroon ng approriate investigation and if there would be violation, magkaka-sanction ito.”

Inamin ng Health department na hindi pa rin tapos ang imbestigasyon nila ng FDA sa iligal na bakunahan ng PSG noong nakaraang taon.

“We can only file legal action against them if they cooperate with us, because we have to know the full details, individuals.”

Kung maaalala, inamin ni Pangulong Duterte noong Disyembre na ginamitan ng Sinopharm vaccine ang ilang PSG staff.

Wala pang opisyal na umaamin kung paano nakapasok ang mga bakuna, at kung sino ang nag-rekomendang iturok ito sa uniformed personnel.

Batay sa Republic Act No. 9711, ipinagbabawal ang pag-aangkat, pagbili, pagbebenta, at paggamit ng mga hindi rehistradong gamot o bakuna.