-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Food and Drug Administration (FDA) na maaari pang mabago ang mga kondisyon sa emergency use authorization (EUA) sakaling magpakita ng isyu sa kaligtasan ang isang vaccine product.

Pahayag ito ni FDA director-general Eric Domingo matapos mamatay ang 23 senior citizens sa Norway matapos maturukan ng bakunang gawa ng Pfizer-BioNTech.

Ayon kay Domingo, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa Norway hinggil sa insidente.

Nakadepende aniya sila sa report ng kanilang counterpart sa Norway maging sa report ng kompanyang nag-develop ng bakuna.

Sakaling mapatunayang may adverse effect ang bakuna, sinabi ni Domingo na maaari nilang ilagay sa EUA na hindi maaaring gamitin ang bakuna sa mga matatanda at mga taong may severe allergies.

“Bago natin magamit ang bakuna na ‘yan, madadagdag po natin ngayon ‘yan doon sa ating mga contraindications na huwag siyang gamitin sa mga merong severe allergies at siguro possibly mga sobrang matatandang-matatanda,” sabi ni Domingo.

Kamakailan nang bigyan ng EUA ng FDA ang COVID-19 vaccine na gawa ng Pfizer-BioNTech.

Sa panig naman ni vaccine czar Carlito Galvez Jr., magiging maingat daw ang Pilipinas sa pagpili ng bakunang ituturok sa mga matatanda.

“Ang ating goal is zero casualty and as much as possible, very close watch,” wika ni Galvez.

Titiyakin din daw nila na hindi mauulit sa bansa ang nangyari sa Norway sa oras na magsimula na ang COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.

Nang marinig din daw nito ang balita, inihayag ni Galvez na kaagad itong nakipag-ugnayan kay Health Secretary Francisco Duque III kaugnay sa kanilang plano para sa pagtuturok ng bakuna sa mga matatanda.

“Sinabi namin na mas maganda ‘yung original plan namin na 18 hanggang 59 [years old] lang muna at hahanap tayo ng bakuna na pang-matanda talaga,” anang kalihim.

“Based sa initial report ng Norway, talagang delikado ‘yung 80 and above. So ‘yun ang talagang titignan natin lalo na ‘yung talagang may komplikasyon at talagang nakikita natin ‘yung mga frail. Kasi titignan natin din ‘yung risk and benefit ng bakuna natin,” dagdag nito.

Target ng Pilipinas na mabakunahan ang 50 hanggang 70 milyong indibidwal ngayong taon, at tinatayang nasa 50,000 Pinoy naman ang inaasahang matuturukan na ng COVID-19 vaccine sa susunod na buwan.