-- Advertisements --
DOMINGO
IMAGE | FDA director general Usec. Eric Domingo/file

MANILA – Posibleng sa mga susunod na linggo ay magsimula na ang clinical trial o pag-aaral ng kompanyang Janssen Pharmaceutical ng Johnson & Johnson sa kanilang COVID-19 vaccine dito sa Pilipinas.

Aprubado na kasi ng Food and Drug Administration (FDA) ang aplikasyon ng kompanya para mapag-aralan sa populasyon ng bansa kung epektibo at ligtas ba ang kanilang bakuna.

“Yesterday, we’ve already approve on. Ito yung clinical trial ng Janssen, this has been given the go signal by FDA,” ani Usec. Eric Domingo, director general ng ahensya.

“Siguro magsa-start na rin sila ng kanilang clinical trial after new year.”

Nasa vaccine expert panel ng Department of Science and Technology (DOST-VEP) na raw ang bola ngayon para ayusin ang koordinasyon sa mga mapipiling trial sites. Kakambal din ng paghahanda ang recruitment ng participants.

Bukod sa Janssen, umaasa rin ang mga kompanya mula China na Sinovac Biotech at Clover Biopharmaceutical para makapag-clinical trial ang kanilang bakuna sa bansa.

Pero sa ngayon, pending pa rin daw ang kanilang aplikasyon sa FDA.

“Yung Clover may hinihintay na lang tayo mga konting documentation from the proponent para makumpleto yung requirements. Yung Sinovac nag-request sila ng kaunting change sa kanilang research design, so we have to give it back sa reviewers natin para sa final clearance.”

“Once na matapos yon at ma-complete yung requirements, then they will also be given the approval.”

Nilinaw ni Domingo na walang kapalit na vaccine supply ang paggawad nila ng approval sa mga kompanyang nagpapasa ng aplikasyon sa clinical trial.

Ang pinaka-mahalagang requirement lang daw na hinihingi nila sa manufacturers ay ang pangakong ligtas ang mga sasaling participants.

“The good thing about is we will be contributing to the world knowledge on the development of a potential useful vaccine, and also if this turns out to be good vaccine, then at least we know that in a few thousand Filipinos it has been tested and we’ve seen the effect and adverse effects.”

“That will make it easier for us to make decisions when it comes to authorization and maybe the actual use.”