MANILA – Isa pang ospital ang nagawaran ng compassionate special permit (CSP) para gumamit ng ivermectin sa kanilang mga pasyente ng COVID-19.
Ito ang inamin ng Food and Drug Administration (FDA) sa gitna ng patuloy na debate kung pwede bang gamitin laban sa coronavirus ang naturang anti-parasitic drug.
“Two hospitals na actually na nag-apply sa atin ang nabigyan ng CSP,” ani FDA director general Eric Domingo sa interview ng ANC.
Hindi pinangalanan ng opisyal ang health facility bilang respeto umano sa privacy ng kanilang mga pasyente.
Kung maaalala, isang ospital din ang unang nagawaran ng CSP kamakailan para sa ivermectin ng kanilang mga pasyente.
Iginagawad ang compassionate special permit sa mga gamot na hindi pa rehistrado pero kailangan nang i-reseta sa pasyente.
Nilinaw ni Domingo na tanging mga otorisado at lisensyadong doktor at ospital lang ang maaaring mag-reseta ng mga gamot na may CSP.
“As of now it is an investigational drug pero wala pang matibay na ebidensya na epektibo ito sa COVID-19,” ayon sa opisyal sa press briefing ng Malacanang nitong Huwebes.
“Yung mga nire-resetahan nito, basta may reseta ng doktor, ang isang possible option ay yung mga compounding pharamcy na maaaring gumawa ng gamot na siguradong pang-tao, at na-explain sa pasyente kung bakit binigay sa kanya at ano ang posibleng epekto sa katawan.”
Una nang inirekomenda ng Department of Science and Technology (DOST) na huwag ng magsagawa ng clinical trial ang Pilipinas para sa ivermectin.
Ayon kay Domingo may nag-apply na para ma-rehistro ang naturang gamot sa bansa.
Nagbabala naman ang opisyal sa publiko na huwag tangkilikin ang mga ibinibentang gamot sa internet dahil walang katiyakan na epektibo at ligtas ito sa mga tao.