VIGAN CITY – Magsasampa umano ng kaukulang kaso ang Food and Drug Administration (FDA) laban sa Mekeni Food Corporation kung mapatunayang lumabag ang kompanya sa mga nakasaad na probisyon ng Food Safety Act.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na kaagapay umano ng FDA ang kanilang ahensya sa pag-iimbestiga kung saan nanggaling ang mga raw materials na ginamit ng Mekeni sa kanilang mga produkto na nagpositibo sa African Swine Fever (ASF) virus.
Mababatid na nitong Lunes ay kinumpirma ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa ilalim ng Department of Agriculture (DA) na nagpositibo sa nasabing virus ang skinless longganisa at tocino ng nasabing kompanya matapos ang kanilang isinagawang validation.
Ipinaliwanag ni Dar na ang FDA na ang bahala sa kasong haharapin ng Mekeni dahil sila naman ang naatasang tumingin sa kalidad at kaligtasan ng mga produktong ibinebenta sa mga merkado.
Kasabay nito, binigyang-diin ng opisyal na wala pang bagong lugar sa bansa na nabalitaang apektado ng ASF kung kaya’t walang dapat na ipag-alala ang publiko.