-- Advertisements --

MANILA – Tuloy sa pagtanggap ng ikalawang dose ng AstraZeneca vaccines ang mga indibidwal na nakatanggap ng unang dose na hindi nakaranas ng kahit anong side effect.

Ito ang nilinaw ni Food and Drug Administration (FDA) director general Eric Domingo sa gitna ng mga kwestyon matapos suspendihin ang pagtuturok ng nasabing bakuna.

“Kung nabakunahan sila at okay, walang naging adverse event then they will get the second vaccine dahil walang nakikitang problema sa second dose,” ani Domingo.

Nitong Huwebes nang magdesisyon ang FDA at Department of Health (DOH) na ihinto ang pagbabakuna ng AstraZeneca.

Ito ay kasunod ng mga report sa Europe na may ilang naturukan ng naturang bakuna na nakaranas ng blood clotting at mababang platelet count.

Pero nilinaw ni Domingo na lahat ng naitalang kaso ay mula sa mga naturukan lang ng unang dose.

“Yung mga kasong nakitaan nitong very rare adverse event, nakita during the first vaccine. There were no cases seen in second vaccines.”

Batay sa tala ng National Adverse Events Following Immunization Committee (NAEFIC), wala pang naitatalang kaso ng pamumuo ng dugo at mababang platelet count mula sa mga nabakunahan ng British-Swedish vaccine dito sa bansa.

Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na ubos na 525,600 doses ng Pilipinas sa AstraZeneca vaccines.

Pero nangako raw ang World Health Organization na ngayong buwan darating ang karagdagang supply mula sa COVAX Facility.

“The good thing is kasi ang schedule natin ng second dose is 8 to 12 weeks after (first dose) so yung mga nabakunahan nitong buwang ‘to, actually mga next month or one to two months pa bago yung schedule nila ng second dose.”

Ayon sa European Medicines Agency, maituturing lang na “very rare adverse effect” ang nasabing mga kaso ng blood clotting at mababang platelet count.

Bagamat iminumungkahi pa rin nila ang patuloy na pagbabantay at pag-aaral sa mga insidente.

“The reported combination of blood clots and low blood platelets is very rare, and the overall benefits of the vaccine in preventing COVID-19 outweigh the risks of side effects,” nakasaad sa EMA statement.