Nagbabala ang Food and Drug Administration sa publiko laban sa pagkonsumo ng hindi rehistradong food supplement na sinasabing makakatulong na maiwasan ang short term memory loss at attention deficit.
Sa inilabas na Advisory No. 2024-1038 ng ahensya, hinimok nito ang publiko na huwag bumili ng “NEUROTECH Brain Memory Booster.
Ayon sa FDA , ito ay hindi nakarehistro sa kanilang ahensya at walang kaukulang Certificate of Product Registration.
Maaari rin aniya itong makaapekto sa kalusugan ng sinumang makakakunsumo nito.
Nagbabala rin ang FDA sa lahat ng kinauukulang establisyimento laban sa pamamahagi, pag-advertise, o pagbebenta ng food supplement.
Hiniling din nito sa publiko na iulat ang anumang pagbebenta o pamamahagi ng hindi rehistradong food supplement sa pamamagitan ng pagpapadala ng email sa ereport@fda.gov.ph.
Hiniling din nito sa lahat ng law enforcement agencies at local government units na tiyakin na ang nasabing produkto ay hindi ibebenta o magagamit sa kanilang mga lugar na nasasakupan.