Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko laban sa tatlong produktong sabon na available sa merkado na walang awtorisasyon na ibenta.
Sa magkahiwalay na advisories, pinayuhan ng FDA ang publiko na iwasang bumili ng “Fairy Skin Milky Bar Soap,” “Rosmar Gluta Peeling Soap,” at “Rosmar Kagayaku Bubble Gum Soap.”
Ayon sa ahensya, ang naturang mga produkto ay nadiskubre na walang valid Certificate of Product Notification .
Dahil dito ay hindi nila inirerekomenda sa publiko na gumamit ng mga nasabing produkto.
Giit ng ahensya na hindi nito masisiguro ang kalidad at kaligtasan ng mga produkto at maaaring magdulot ng mga panganib sa kalusugan sa mga mamimili.
Nagbabala rin ito sa lahat ng kinauukulang establisyimento na huwag ipamahagi ang tatlong violative cosmetic products.
Inutusan din ng FDA ang mga regional field office at regulatory enforcement unit nito, gayundin ang mga law enforcement agencies at local government units, na tiyaking hindi ibinebenta o magagamit ang mga produkto sa kanilang mga lugar na nasasakupan.