Nagbabala sa publiko ang Food and Drug Administration tungkol sa isang isang brand ng e-cigarette o vape juice na may halo umanong liquid marijuana.
Sa inilabas na abiso ng FDA, nagbabala ito sa pagbili at paggamit ng vapor product refill o e-cigarette juice na may brand name na Gluttony at flavor o variant na “Mamon” na nagpositibo sa sangkap na cannabinol.
Paglalahad ng ahensya, nakitaan ng liquid cannabis o mas kilalang marijuana ang produkto na maituturing na ipinagbabawal na gamot sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Kaugnay nito, pinayuhan ng FDA ang publiko na huwag tangkilikin ang naturang produkto dahil mapanganib ito sa kalusugan.
Nagbabala rin ang ahensya sa mga establisimyento na magdi-distribute o magbenbenta ng nabanggit na produkto na mapaparusahan ang mga ito sang-ayon sa umiiral na batas.
Pinakikilos na ng FDA ang mga law enforcement agency at local government units upang tiyaking hindi makalulusot sa merkado ang naturang produkto.