-- Advertisements --

Nakikipag-ugnayan na rin ang Philippine Food and Drugs Administration (FDA) sa kompaniya na gumagawa ng popular at paboritong instant noodle brand ng mga Pinoy para masuri ang safety standards compliance nito.

Ayon sa FDA, sinimulan na nila ang pag-imbestiga sa naturang produkto kasunod ng lumabas na report mula sa European countries sa Ireland, France at Malta kung saan nadiskubre umano na mayroong high levels ng ethylene oxide ang partikular na instant noodle brand.

Paliwanag ng FDA, ang ethylene oxide ay isa ring processing aid na ginagamit para i-disinfect ang mga herbs at spices.

Subalit paglilinaw naman ng ahensiya na ang paggamit ng ethylene oxide para sa sterilizing purpose sa pagkain ay hindi pinapayagan sa European Union bagamat mayroon pa ring traces aniya mula sa mga ingredients o raw materials kung kaya’t nagtakda ang EU ng maximum residue level na nasa very low level lamang base sa uri ng commodity.

Nakatakda namang magbigay ng updates ang FDA sa oras na matapos ang kanilang isinasagawang imbestigasyon.

Sa DOH forum, sinabi naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang naturang kemikal kapag nakonsumo ay maaaring makapagdulot ng pananakit ng ulo, pagsusuka at malalang kaso gaya ng pakiramdam na pagod na pagod at hirap sa paghinga.

Agad ding nilinaw ng manufacturer ng instant noodles brand na hindi sila naglalagay ng ethylene oxide sa kanilang mga produkto at pasok sa local food safety standards.