Ipinaliwanag ng Food and Drugs Administration (FDA) na maaaring makakuha ng 20% discount ang mga senior citizen sa mga over the counter medicines, vitamins at food supplements kahit walang prescription mula sa kanilang doktor.
Ginawa ng ahensiya ang naturang paglilinaw sa pamamagitan ng inisyung FDA Advisory No. 2024-0429 na nilagdaan ni FDA Director General Dr. Samuel Zacate para sa mga drug outlets, hospital phaarmacies at healthcare professionals para maiwasan ang anumang misunderstanding.
Para makapag-avail ng naturang diskwento na minamandato sa bisa ng Expanded Senior Citizens Act of 2010, kailangan lamang magpresenta ng mga senior citizen ng anumang patunay ng kanilang pagkakakilanlan na nagpapakita ng kanilang kaarawan gaya ng senior citizen ID card, pasaporte o iba pang dokumento. Dapat ding dalhin ang purchase sllip booklets para sa recording purposes.
Una na ngang inamin ni FDA spokesperson Pamela Angeline Sevilla na nakatanggap sila ng mga reklamo mula sa mga senior citizen kaugnay sa mga pharmacy na humihiling ng prescriptions mula sa doktor kapag bibili ng over the counter medicines.
Samantala, maaaring maghain ang mga senior citizen ng reklamo sa Office of Senior Citizens Affairs sa kanilang lokal na pamahalaan laban sa mga pharmacy na hindi sumusunod sa batas.
Nagbabala din ang FDA sa mga establishimentong hindi magbibigay ng 20% diskwneto sa mga gamot para sa senior citizen na mahaharap ng pagkakakulong mula 2 hanggang 6 na taon kaakibat ang multang P50,000 hanggang P100,000 para sa unang paglabag.
Maaari ding ma-revoke ang permit, prangkisa at iba pang pribilihiyo ng mga ito.