-- Advertisements --

Naniniwala ang Food and Drug Administration (FDA) na maganda ang naging hakbang ng Pilipinas sa paglahok sa mga clinical trails sa buong mundo para sa bakuna kontra COVID-19.

Ayon kay FDA Director-General Eric Domingo, mapapataas daw nito ang tsansa ng bansa na makakuha ng bakuna laban sa nakahahawang sakit sa oras na maging available na ito.

Sinabi ni Domingo, nagbigay daw ng update ang World Health Organization (WHO) kung saan 70 kumpanya at unibersidad sa iba’t ibang sulok ng daigdig ang nagsasagawa ng pananaliksik ukol sa COVID-19 vaccine.

Sa nasabing bilang, 10 raw dito ang uumpisahan na ang kanilang sariling clinical trial.

Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na raw ang Department of Science and Technology sa mga kompanya at pamantasan na gumagawa ng bakuna sa China para sa clinical trials.

Dagdag pa ng opisyal, nakikipag-usap na si Pangulong Rodrigo Duterte sa ibang mga bansa kaugnay sa access ng Pilipinas sa bakuna sa oras na maging available na ito.

“Para po ‘pag na-develop na rin ang gamot magiging mas madali ang access natin dito,” ani Domingo sa isang panayam.