MANILA – Kinumpirma ng Food and Drug Administration (FDA) na ginawaran na nito ng “compassionate special permit” ang 10,000 doses ng Sinopharm vaccines para sa Presidential Security Group (PSG).
In a message, Usec. Eric Domingo confirms the Palace announcement that FDA has granted "compassionate special permit" for 10,000 doses of Sinopharm vaccines, pursuant to the application of the PSG. | @BomboRadyoNews pic.twitter.com/IdaHg3wPHy
— Christian Yosores (@chrisyosores) February 11, 2021
“The PSG applied and complied with all requirements for the CSP. It was granted yesterday,” ani director general Eric Domingo sa isang mensahe sa Bombo Radyo.
Ang kumpirmasyon ng FDA ay kasunod ng anunsyo ng Malacañang na naglabas ng naturang permit ang ahensya para sa mga security guard ng pangulo.
“Nag-issue po ng compassionate use license ang ating FDA para sa 10,000 dosage ng Sinopharm,” ani Presidential spokesperson Harry Roque.
Ayon kay Domingo, noong January 18 pa nag-sumite ng aplikasyon ang PSG.
Ito ay para raw sa mga gagamitin pa lang na vaccine doses, na darating sa pamamagitan ng importation.
“For future use and the permit is for one time importation.”
Nangako umano ng responsibilidad ang PSG Hospital sa paggamit ng mga bakuna, pati na sa pagre-report ng posibleng kalabasan ng paggamit sa Sinopharm vaccines.
Pagmamay-ari ng pamahalaan ng China ang kompanyang Sinopharm, na mas kilala bilang China National Pharmaceutical Group Corporation.
Magugunitang inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre na ilang personnel ng PSG ang naturukan na ng Sinopharm vaccines.
Ito’y kahit wala pang iginagawad na emergency use authorization ang FDA, gayundin na wala itong aplikasyon para sa clinical trials sa bansa.
Tinawag ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na “smuggling” ang pagpasok ng mga hindi rehistradong Chinese vaccines.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9711 o FDA Act, ipinagbabawal ang importasyon, pagbebenta, distribusyon ng mga hindi rehistradong gamot at produkto.
Ang mga bakuna ng Pfizer-BioNTech at AstraZeneca pa lang ang nagagawaran ng emergency use authorization ng FDA sa Pilipinas.