Pinayuhan ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko na iwasan ang pagkain ng mga leftover food o mga tira-tirang pagkain mula sa mga party o salo-salo.
Ginawa ng FDA ang pahayag sa gitna na rin ng maraming mga party at salo-salo, reunion, at family gatherings, kasabay ng nalalapit na kapaskuhan.
Ayon kay FDA Director General Samuel Zacate, kailangang iwasan ng publiko ang pag-reheat ng mga pagkain o kung hindi man, iwasan nang kainin kung lasang panis na ang mga ito.
Hindi aniya pagiging practical ang lagi-laging pag-reheat ng mga pagkain, bagkus, tiyak na mas malaki pa ang gagastusin kung magpapa-ospital ang mga ito.
Pinayuhan din ng FDA ang publiko na maging malinis sa paghahanda ng pagkain at tiyaking hindi exposed ang mga ito sa anumang banta sa kalusugan.