MANILA – Inamin ni Food and Drug Administration (FDA) director general Eric Domingo na wala silang ideya ni Health Sec. Francisco Duque III na may naipasok na palang COVID-19 vaccines sa Pilipinas, at naiturok sa ilang uniformed personnel ng pamahalaan.
Reaksyon ito ng opisyal matapos ilahad ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang bakuna mula sa Sinopharm ng China ang ginamit sa pinag-uusapan ngayong issue.
“Kinausap ko si secretary (Duque), nagulat nga rin siya. We we’re not consulted, it was not done in consultation of DOH and FDA.”
Walang aplikasyon ang Sinopharm para sa clinical trial sa Pilipinas. Pero kabilang daw ang kompanya sa listahan ng candidate vaccines ng Department of Science and Technology.
Sa kabila ng turuan ng ilang opisyal, aminado si Domingo na hindi rin pwedeng basta sisihin ang pangulo.
“Hindi naman natin alam kung si presidente ang nag-desisyon noon. Hindi naman siguro galing sa pangulo yon. I do not know who made the decision.”
Nangangalap pa rin daw ng impormasyon ang FDA tungkol sa ulat. Hindi pa rin kasi lumulutang kung saan galing ang supply ng Sinopharm vaccines na ginamit sa uniformed personnel.
Paliwanag ni Domingo, DOH ang kadalasang tumatanggap ng mga donasyong bakuna. Ipapasa lang daw ito sa FDA kapag kailangan ng bigyan ng clearance.
“In this case, walang dumaan sa amin. Hindi namin alam.”
Sa ilalim ng Republic Act 9711, ipinagbabawal ang manufacturing, importation at exportation, pagbebenta, pamamahagi, at sponsorship ng mga hindi otorisadong bakuna.
Nakasaad din sa batas na tanging mga nag-angkat, gumawa, namahagi, at nagturok ng bakuna ang haharap sa parusa.
“Yung tao mismo na naturukan o halimbawa ikaw ay nakabili ng unregistered na gamot at ininom mo, hindi natin siya pwedeng kasuhan. Yung consumer wala siyang kasong haharapin.”
Kung si Domingo raw ang tatanungin, hindi na kailangan amiyendahan ang probisyon ng batas.
“Personally, parang marami na tayong batas. Kung ikaw ay nasa tamang edad, ikaw ang consumer, may personal na responsibildad ka. ‘Di naman siguro kailangan na bawat isang mamamayan ay bantayan.”
Sa ngayon maaga pa raw para tukuyin kung sino ang mga dapat managot sa kaso ng pagtuturok ng hindi otorisadong bakuna sa uniformed personnel.