MANILA – Tiniyak ng Food and Drug Administration (FDA) na patas nilang susuriin at bibigyan ng hatol ang aplikasyon ng mga kompanyang plano pag-aralan o ipasok ang kanilang COVID-19 vaccines sa Pilipinas.
Pahayag ito ng ahensya matapos lumabas ang ulat na dawit noon sa kasong bribery o panunuhol ang Chinese pharmaceutical company na Sinovac Biotech.
“Very objective naman ang ating gagawing pagsusuri depende sa datos at evidence,” ani FDA director general Eric Domingo sa Laging Handa public briefing.
Batay sa report ng pahayagang The Washington Post, sinasabing nadawit sa bribery case ang chief executive officer at ilang empleyado ng Sinovac bago nila ilunsad ang pag-aaral sa mga bakuna laban sa SARS, avian flu at swine flu.
Binayaran daw ng kompanya ang dating deputy director ng Chinese FDA para mapabilis ang approval sa kanilang mga gawang bakuna.
Walang umusad na kaso laban sa Sinovac CEO, pero ang former official ng regulatory agency ay nasintensyahan ng pagkaka-kulong noong 2017.
Ayon kay Domingo, hindi nila papayagang mauwi rin sa suholan ang aplikasyon ng Sinovac o kahit sino mang vaccine developer sa bansa.
“Dito sa Pilipinas, huwag nilang susubukan manuhol dahil magkaka-problema sila at lalo silang hindi ma-aaprove.”
“We will treat the company as a company that’s legitimately doing business, but of course, once they try something ay sila na ang mananagot at magkaka-problema sila doon.”
Ang COVID-19 vaccine na gawa ng Sinovac ang unang nakatanggap ng approval mula sa DOST-vaccine expert panel para sa aplikasyon nilang clinical trial dito sa Pilipinas. Wala pang inilalalabas na hatol ang ethics review board sa application ng kompanya kaya hindi pa ito umuusad sa antas ng FDA evaluation.
Una nang dinepensahan ng Malacañang ang Sinovac COVID-19 vaccine dahil ito ang target ng pamahalaan na bilhin.
“Kaya naman natin binibili ang Sinovac, kasi walang tayong makuha agad na Pfizer, AstraZeneca, o Moderna,” ani Presidential spokesperson Harry Roque.
“Gustuhin man natin ang Pfizer, wala tayong makuha sa first quarter. Ang tina-target nilang delivery, na hindi pa natin alam kung ilan, ay second at third quarter. At maraming hindi na makakapaghintay.”
May emergency use authority (EUA) nang iginawad ang China at Bahrain sa bakuna ng Sinovac. Ginagamit din ang kanilang COVID-19 vaccine sa clinical trial ng Brazil.