Tiniyak ng Food and Drugs Administration (FDA) sa publiko na nananatiling ligtas, mabisa at dekalidad ang mga generic na gamot.
Ito ay kasunod ng pinakabagong hakbang kung saan iniklian na lamang sa 45 araw ang proseso para sa registration ng generic at essential drugs mula sa dating 120 araw.
Ayon kay FDA Communication Section, Policy and Planning Services Officer II Jordan Paguirigan, ginagarantiyahan ng facilitated review pathway (FRP) na ang mga gamot na pumapasok sa bansa ay nakarehistro na sa ibang bansa kayat garantisado aniyang nasuri at na-evaluate ng mabuti ang drug application kayat mabilis na ang pag-apruba dito.
Samantala, taliwas sa misconceptions, nanindigan ang FDA official na ang generic medicines ay dekalidad at mabisa gaya ng branded counterparts ng mga ito base sa isinagawang laboratory tests.
Target naman ng FDA na gawing mas abot-kaya para sa publiko ang lahat ng generic at essential drugs sa merkado kabilang ang mga gamot para sa maintenance at cancer.