Wala umanong nakitang anumang iligal na COVID-19 vaccine ang mga tauhan ng Food and Drug Administration (FDA) sa Binondo, Manila.
Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, nagtungo ang kanilang team sa Manila City Hall kahapon para mag-imbestiga pero wala raw silang nakitang anumang bakuna.
Una nang ipinag-utos ni Manila Mayor Isko Moreno sa mga city health officials at law enforcers na imbestigahan ang umano’y nagpapatuloy na iligal na pagbabakuna sa Binondo.
Giit ni Moreno, ipinagbabawal ang naturang programa sapagkat wala pang umiiral na COVID-19 vaccination program na aprubado na ng gobyerno.
Sinabi naman ni Domingo, aabisuhan naman daw sila ng Manila City government kung may panibagong mga developments sa napaulat na illegal vaccination program.
Samantala, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na makikipagtulungan din ang Department of Health (DOH) sa Manila government upang gumawa ng kinakailangang hakbang kaugnay sa insidente.
“We were not informed, we were not given information by this apparent vaccination in city of Manila, though we were able to contact health officials of Manila and we are awaiting for their formal report to our department so we can be able to provide action,” wika ni Vergeire.