Inamin ng ilang miyembro ng Team Pacquiao na mahirap umanong sabayan ngayon si Senator Manny Pacquiao sa kanyang training camp dahil sa ipinapakitang lakas, bilis at liksi.
Sa exclusive interview ng Bombo international correspondent Doc John Melo mula sa Los Angeles kay John Riel Casimero, inamin ng 29-anyos na kampeon na kahit mas bata siya talo pa rin siya sa takbuhan sa 40-anyos na fighting senator.
Kuwento pa ni Casimero, tatlong beses silang umaakyat ng bundok sa Hollywood at talo siya sa kapaguran.
Samantala sa fearless forecast ni Casimero, posibleng patulugin o pabagsakain ni Pacman si Keith Thurman sa pagitan ng fifth round hanggang seventh round sa Hulyo 21.
Si Casimero na kasama ngayon sa training camp ni Pacquiao ay muling lalaban sa Agosto 10 na magaganap sa Pilipinas upang depensahan ang hawak niyang korona sa WBO light flyweight interim crown.
Si Casimero ay dating two-division world champion kung saan nasungkit niya noon ang pagiging IBF flyweight world champion at IBF junior flyweight world champion.
“Napapagod talaga ako sa takbuhan sa kahahabol kay Manny. Pero si Manny walang kapaguran talaga. Grabe talaga ang kondisyon ngayon ni Manny,” ani Casimero sa Bombo Radyo.